Pinaiiwas muna ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pakikipagkamay at pakikipagbeso-beso sa ibang tao bilang pag-iingat sa gitna na rin ng banta ng novel coronavirus (2019-nCoV) mula China.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makakabuting iwasan muna ang mga nabanggit na tradisyon na pagbati sa kapwa lalo na’t may mga binabantayan silang posibleng kaso ng nCoV sa bansa.
Nagbiro din ang kalihim na ang pinakamalapit lamang na maaaring gawin bilang pagbati ay ang pag-fist bump.
Pinayuhan din ni Duque ang publiko laban sa pagkain ng mga hindi lutong karne o mga kinilaw.
Sinabi ni Duque, kinakailangang matiyak na wasto ang pagkakaluto sa mga karne lalo na’t nagmula ang virus sa mga hayop na nailipat lamang sa mga tao.