Magpapatupad ng “shame campaign” ang Metropolitan Manila Development Authority laban sa mga kawaning nasasangkot sa anumang uri ng katiwalian tulad ng pangongotong.
Ayon kay MMDA General Tim Orbos, sisimulan na nilang i-post sa mga bulletin board sa kanilang tanggapan ang mga litrato ng mga kawaning nasasangkot sa kasong kriminal at administratibo.
Ito, aniya, ay bilang babala at upang ipabatid sa publiko lalo na sa mga taga MMDA hinggil sa kahihiyang idinulot nila sa ahensiya.
Dati-rati, hindi, aniya, ipinaaalam sa lahat ng mga taga-MMDA ang ganitong mga klaseng bagay para pangalagaan ang kanilang privacy ngunit ngayon ay lalo pang dumarami ang tiwali sa hanay ng nasabing ahensiya.
Kaya naman dahil sa pagkakadakip ng ilang traffic constables na nasangkot sa droga at pangongotong, ipatutupad na nila ang “shame campaign”.
Nauna rito, apat na traffic enforcer ang sinuspinde matapos mangotong sa mga motorista sa kahabaan ng EDSA.
Ang apat na MMDA traffic constable ay isinailalim sa 90 araw na preventive suspension habang sumasailalim sa masusing imbestigasyon.
Sa oras na mapatunayang nagkasala ang mga ito, sisibakin sila sa serbisyo.
By: Avee Devierte / Allan Francisco