Iniimbestigahan na ng Ilocos Sur Provincial Police ang naganap na shooting incident sa bayan ng Magsingal na ikinasawi ng apat katao na pawang supporter ng ilang local candidate.
Kinilala ang mga biktimang sina Lerry Torda, kwarenta’y uno anyos ng Barangay Maratudo; Recto Bagani, 65 anyos ng Manabo, Abra; Jovito Tomaneng, 61 ng Dingras, Ilocos Norte na retiradong sundalo;
At William Bulil-Lit, 61 anyos dating barangay chairman ng Barbaquezo sa Carasi, Ilocos Norte at retiradong Cafgu Member.
Si Recto ay kabilang sa mga supporter ni Mayoralty Candidate Alrico Favis, na asawa ni Incumbent Mayor Victoria Favis ng magsingal habang si Torda ay supporter ng kalabang si Lory Salvador Junior ng kilusang bagong lipunan.
Sugatan naman sina Teofilo Taasin, 39 anyos ng Barangay Maratudo; mga suspek na sina Kenneth Salvador at Albert Bañez, na driver ni Favis at Romnick Villanueva, 25 anyos ng Barangay Patong.
Naaresto ang anim na supporter ni Favis na sina Guillermo at Agustin Unciano, Dante Tolentino, Archie Garcia, Menelio Oliver Junior na pawang taga-barangay Patong at Bañez ng Barangay San Ramon at pawang mahaharap sa kasong murder at frustrated murder.
Mahaharap din sa katulad na kaso ang mga supporter ni Salvador na sina Kenneth Salvador, 40 anyos ng Barangay Napo at Teofilo Taasin ng Barangay Maratudo.
Ayon kina Ilocos Sur Police Provincial Director, Col. Wilson Doromal at Ilocos Sur Provincial Election Supervisor Alipio Castillo, nag-ugat ang insidente sa alegasyon ng vote-buying noong Sabado ng umaga.
Nagtungo anila ang mga supporter ni Salvador sa Barangay Labut upang beripikahin ang umano’y vote-buying activity at kinompronta ang mga supporter ni Favis.
Narekober mula sa grupo ni Favis ang caliber 45 pistol at mga bala habang nagdagdag na ng pwersa ang pulisya at militar sa magsingal.
Samantala, nilinaw ni Castillo na hindi pa kailangang isailalim sa COMELEC control ang nasabing bayan dahil tiniyak naman ng mga otoridad na nakalatag ang lahat ng hakbang at seguridad upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.