Kinumpirma ng National Food Authority o NFA na mas mababa na sa labing limang (15) araw ang “buffer stock” ng NFA rice.
Ayon sa NFA, hanggang tatlong araw na lang ang itatagal ng “buffer stock” ng naturang bigas.
Paliwanag ng ahensya, bumaba ang kanilang imbak na bigas dahil sa pamamahagi ng NFA rice sa mga biktima ng kalamidad at krisis sa Marawi City.
Hanggang sa ngayon anila ay wala pa ring “go signal” ang NFA Council sa pag-aangkat ng dalawang daan at limampung libong (250,000) metriko tonelada ng bigas.
Sa ngayon ay mabibili ang kada kilo ng NFA rice mula P27.00 hanggang P32.00.
Samantala, ititigil muna ng NFA ang pagbebenta ng mga bigas sa kanilang accredited rice retailers dahil sa kakulangan ng suplay.
Sinabi ni NFA Spokesperson Rebecca Olarte na prayoridad nilang masuplayan ng bigas ang mga biktima ng kalamidad.
Bagamat kulang sa suplay, ipinabatid ni Olarte na nabigyan naman sila ng standby authority para mag-import ng 250,000 metric tons upang mapunan ang buffer stock ng NFA.
—-