Nasa tanggapan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang shortlist ng mga kandidato na maaaring pagpilian para maging susunod na hepe ng Philippine National Police.
Ito ay bilang kapalit naman ng nagbitiw na si Police General Oscar Albayalde.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, tatlong pangalan ang kabilang sa kanyang isinumiteng rekomendasyon kay Pangulong Duterte.
Ito aniya ay sina PNP OIC Lieutenant General Archie Gamboa, Deputy Chief for Operations Lieutenant General Camilo Cascolan at Chief ng Directorial Staff, Major General Guillermo Eleazar.
Nilinaw naman ni Año na nasa pagpapasiya pa rin ng pangulo kung susundin ang kanyang isinumiteng shorlist o pipili ito ng iba pang pangalan na wala sa listahan.
Kapwa kaklase ni Albayalde sina Gamboa at Cascolan sa PMA Sinagtala Class of 1986 at nakatakdang maretiro sa September 2020 at November 2020.
Habang si Eleazar ay mula sa PMA Hinirang Class of 1987 na magreretiro naman sa November ng 2021. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)