Inaasahang sisimulan nang timbangin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang susunod na uupong pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y matapos kumpirmahin sa DWIZ Patrol ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na hawak na ni Pangulong Duterte ang shortlist para sa susunod na PNP Chief.
Ayon kay año, nuong Martes, Oktubre 2 pa niya naisumite sa Pangulo ang nasabing shortlist na binubuo ng pangalan ng may 5 heneral ng pulisya.
Kung rule of succession kasi ang pag-uusapan, awtomatiko nang nominado ang 3 miyembro ng command group ng pnp na kinabibilangan nila Deputy Chief PNP for Adminstration P/Ltg. Joselito Vera Cruz; Deputy Chief PNP for operations P/LtG. Israel Emphraim Dickson at Chief of the Directorial Staff P/LtG. Dionardo Carlos.
Sa ilalim naman ng PNP charter, lahat ng mga heneral ng PNP mula sa ranggong Brigadier General, Major General at Lieutenant General basta’t wala pang anim na buwan bago ang mandatory retirement age ay kwalipikadong maging PNP Chief.
Pinakamatunog din na pangalan sa hanay ng mga heneral ay sina National Capital Region Police Office o NCRPO Director PMGen. Vicente Danao Jr., Director for Operations Pmgen. Rhodel Sermonia at Criminal Investigation and Detection Group Director PMGen. Albert Ignatius Ferro.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)