Aalamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang katotohanan sa likod ng ulat hinggil sa di umano’y pagpapasira ni dating Secretary Vitaliano Aguirre sa bultu-bultong mga dokumento ng kagawaran.
Ito’y makaraang kumalat sa social media ang mga larawan na nagpapakita ng mga sinirang dokumento na inilagay sa malalaking plastic garbage bags bago tuluyang lisanin ni Aguirre ang tanggapan noong Abril 5.
Sinasabing nagmula ang mga sinirang dokumento sa tanggapan ni Aguirre at dating Undersecretary Rey Orceo Bagay na hindi naman umano personal na nakita ni Guevarra nang maupo ito noong Abril 10.
Samantala, nakatakda namang pulungin ng bagong Justice Secretary ang iba’t ibang ahensyang nasa ilalim ng DOJ bilang bahagi ng kaniyang pag-iikot at pagpapakilala sa mga kawani nito.
Kabilang sa mga pupulungin ni Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI), Parole and Probation Administration (PPA), Public Attorney’s Office (PAO) at PCGG o Presidential Commission on Good Government.
Gayundin ang OSG o Office of the Solicitor General, Office of Alternative Dispute Resolution, Land Registration Authority at ang OGCC o Office of the Government Corporate Counsel.
Pero nilinaw ni Guevarra, posibleng sa susunod na linggo pa niya pulungin ang Bureau of Corrections sa sandaling makapasok na si outgoing PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Magugunitang noong isang linggo, pinulong din ni Guevarra ang mga opisyal ng NPC o National Prosecution Service, Office of Cybercrime, Witness Protection Program at iba pang mga tanggapan sa DOJ Compound sa Maynila.
—-