Anumang oras mula ngayon, posibleng maghain na ng kanyang certificate of candidacy para tumakbong pangulo ng bansa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Barangay Captain Mar Masanguid, Pangulo ng Duterte for President 206, tila nakumbinsi si Duterte na tumakbo sa pagka-Pangulo matapos magpakalbo ang anak na si dating Davao City Mayor Inday Sarah Duterte bilang pagpapakita ng suporta sa pagtakbo ng ama bilang pangulo.
Matatandaan na ang pagtutol di umano ni Inday Sarah sa pagtakbo ng ama ang dahilan kaya’t ayaw tumakbong Pangulo ni Duterte.
Kinontra ni Masanguid ang mga batikos na tila pabago-bago ng isip si Duterte dahil kahit kailan naman aniya ay hindi nagdeklara o nagpahayag si Duterte na tatakbo siya sa presidential elections.
Kakaiba aniya ang kaso ni Duterte dahil taong bayan mismo ang kumukumbinsi sa kanya na tumakbo sa pampanguluhang eleksyon.
“Si Mayor ang kandidato o tatakbo na hinahanap ng mga botante, while yung ibang kandidato ngayon hanggang ngayon nag-iikot pa para maghanap ng mga botante, kailan pa ba nag-declare si Mayor Duterte na tatakbo, kaya ang taong-bayan ang nagpapatakbo sa kanya.” Ani Masanguid.
Duterte-Marcos
Nakalalamang si Senador Bongbong Marcos bilang running mate ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sakaling magpasya itong tumakbo sa presidential elections.
Ayon kay Barangay Captain Mar Masanguid, hindi naman nila minamaliit si Senador Allan Peter Cayetano na naghahangad ring maging running mate ni Duterte subalit hindi anya sapat ang balwarte nito sa Taguig para sa pampanguluhang halalan.
Matatandaan na nagkalat na sa maraming bahagi ng bansa lalo na sa Metro Manila ang mga tarpulin ng tambalang Duterte – Cayetano para sa 2016 presidential elections.
“Baka sabihin ng taongbayan na gusto ba ninyo sa Pilipinas ang diktadurya, ‘yan ang mga isyu, dito naman kay Allan Cayetano, wala namang problema, depende ‘yan kasi, maluwag hindi siguro magiging sapat para maging bise presidente ang isang tao, laging tumatawag at sinasabi sa movement ng mga tao na si Bongbong Marcos daw ang kanilang choice.” Pahayag ni Masanguid.
By Len Aguirre | Ratsada Balita