Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng payo kay dating Philippine National Police chief general Oscar Albayalde na maghain ng terminal leave.
Ayon kay Senator Christopher Bong Go, ito ay matapos kausapin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año si Pangulong Duterte noong Sabado ng madaling araw.
May kaugnayan aniya ito sa dapat na maging direksyon ng PNP at kung ano ang makabubuti dito bilang organisasyon ngayong may kinahaharap na usapin hinggil sa mga ‘ninja cops’.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na inaasahan na nila ang inanusyong pagbaba sa puwesto ni Albayalde bilang PNP chief, kahapon ng umaga.
Aniya, bago pa man din makausap ni Año ang pangulo, nagpahayag na rin anito ng kagustuhan si Albayalde na bumaba sa puwesto bago ang kanyang retirement.
Dagdag ni Go, posibleng nahihirapan na si Albayalde na pamunuan ang PNP sa harap ng mga imbestigasyon sa isyu ng ‘ninja cops’.
Samantala, mabibigyan naman aniya ng sapat na panahon si Pangulong Duterte na pumili ng bagong PNP chief sa maagang pagbaba sa puwesto ni Albayalde at makaiiwas na rin sa higit pang pagkademoralisa ng institusyon.
#PANOORIN: Bahagi ng panayam kay Bong Go kaugnay kay PNP Chief Oscar Albayalde | via @OBueno @blcb pic.twitter.com/JJXcUwqq4b
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 14, 2019