Laman ngayon ng mga pahayagan at mga broadcasting companies sa buong mundo ay ang sinasabing di pagsiwalat ng totoong estado ng kalusugan ni Saranggani Congressman Manny Pacquiao nang ito ay lumaban kay American Boxer Floyd Mayweather Jr. sa Las Vegas.
Nalaman lamang kasi ang shoulder injury ng pambansang-kamao nang sabihin lamang ito sa Post Fight Conference.
Dito sinabi ng kampo ni Pacquiao na tatlong linggo bago pa ang laban ay nagkaroon na ng punit at injury ang “rotator cuff” ng boksingero.
Mas lalong naging hayagan ang umano’y pagtatago ng injury ni Pacman nang hindi ito nailagay sa health check form mula sa Nevada State Athletic Commission (NSAC).
Ngayon naisampa na ang kaso laban kina Pacquiao at Top Rank Promotions at humihiling ng $5 milyong bilang danyos kesyo gumastos daw sila nang napakalaki sa tiket ng laban.
Umaalingaw-ngaw din ang panawagang “refund”.
Puwede ba, huwag niyo nang pag-aksayahan ng panahon ang pagsasampa ng kaso laban kay Pacquiao dahil una sa lahat, lumaban ang pambasang-kamao kahit pa may iniindang injury, dito pa lamang ay maituturing siyang totoong atleta.
Sa katunayan, limang taong hinintay ng buong mundo ang laban na ito at mismong si Pacquiao ang nagsabi, na ayaw niyang mabigo ang boxing aficionados kung maantala naman ang binansagang “Fight of the Century”.
Pangalawa, kahit anong anggulo mo tingnan, panalo dapat si Pacquiao sa laban dahil siya ang tumayong “aggressor” at nagpakawala ng maraming power punch, taliwas sa lumabas na pagtaya at desisyon ng mga sip-sip na hurado sa Vegas.
At panghuli, sa mga tumaya sa laban at nagrereklamo na sila ay natalo, pwede ba, kaya nga tawag diyan ay “sugal”, handa kang matalo at manalo kahit ano pa man ang mangyari.
Ngayon, ito na lamang ang maipapayo natin kay Pacquiao: tutal sa tagal nang panahon na nakasama mo ang iyong “Team Pacquiao”, panahon na yata na pagtatanggalin mo ang mga palpak at walang pakinabang sa iyo at inilalagay ka sa alanganin.
Panahon nang walisin mo ang mga amuyong na walang ginawa kundi ay magpasikat at magyabang dahil sa pakiramdam nila “importante” sila sa iyong piling. (By: ALEX SANTOS)