Makakatuwang ng militar ang mga sibilyan sa kampanya nito laban sa Abu Sayyaf Group (ASG), kabilang ang pagpapanatili ng batas at kaayusan sa Sulu.
Ito’y matapos isalang sa pagsasanay ng 100th Infantry Battalion ng Philippine Army ang nasa 60 miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) sa mga barangay ng Buanza, Kajatian, at Tagbak sa bayan ng Indanan.
Ayon kay 100IB head Lt. Col. Michael Cuenca, sa pamamagitan ng training ay mas lalong mauunawaan ng BPATs ang tungkol sa criminal justice system, civilian arrest, at crime prevention.
Maliban dito, tinuruan din ang mga sibilyan tungkol sa basic first aid; disaster preparedness; gun safety; firearm assembly at disassembly; anti-terrorism; at coordination.