Muling nanawagan ang alyansa ng mga Yolanda survivor sa gobyerno na bilisan ang pagpapatayo ng mga permanenteng pabahay, mag-da-dalawang taon matapos ang pananalasa ng super-typhoon.
Ayon kay Marissa Cabaljao, Secretary-General ng Grupong People Surge, kasinungalingan lamang ang mga pangako ni Social Welfare Secretary Dinky Soliman na hindi na magkakaroon ng bunkhouses sa Tacloban City, Leyte sa katapusan ng Oktubre, ngayong taon.
Noon anyang sabado o huling araw ng Oktubre ay binisita nila ang Ipi bunkhouse sa Barangay Caibaan, subalit tumambad sa kanilang halos 300 pamilya na naninirahan pa rin sa temporary shelter.
Iginiit ni Cabaljao na simula pa noong Enero 2014 ay pinangakuan ang mga resident na matatapos ang permanent shelter sa loob lamang ng anim na buwan subalit mag-dadalawang taon na ay umaasa pa rin ang mga survivor.
Base sa datos ng National Housing Authority noong Setyembre, 534 lamang mula sa 13,800 at isa na targeted permanent house ang itinayo ng pamahalaan.
By Drew Nacino