Posibleng itaas hanggang signal number 4 ang storm warning sa ilang mga lalawigan sa Luzon dahil sa bagyong Lawin.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ang mas malakas na pagbayo ng bagyong Lawin bukas ng gabi sa lalawigan ng Cagayan kabilang ang Calayan Group of Islands , Apayao at Ilocos Norte.
Sa ilalim ng signal number 4, ang dalang hangin ng isang bagyo ay aabot sa 185 kilometers hour.
Nagbabala rin ang PAGASA ng storm surges sa baybayin ng Cagayan na posibleng umabot hanggang sa 4.6 meters ang taas.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang tatama sa kalupaan ng Cagayan ang bagyong lawin sa Huwebes.
11 AM Update:
Nadagdagan ang bilang ng mga probinsyang nasa ilalim ng storm signal number 1 ng bagyong Lawin at kasama na dito ang Calayan Group of Islands, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Northern Aurora, Polillo Islands at Catanduanes.
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyong lawin, 950 kilometro sa silangan ng Daet, Camarines Norte.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 230 kilometro kada oras.
Sinabi ng PAGASA na bagamat hindi pa tumatama sa lupa, magdudulot ito ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos na ulan sa mga lugar na nakapaloob sa 650 kilometer diameter nito.
Inaasahang makakalabas na ng bansa ang bagyo sa Biyernes ng umaga.
By Len Aguirre | Katrina Valle