Muling tiniyak ng pamahalaan na walang ipatutupad na signal o phone jamming sa buong panahon ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit.
Ito ang inihayag ni Ambassador Marciano Paynor Jr., Dir. Gen. ng APEC Organizing Committee sa kaniyang pagharap sa mga mamamahayag kaninang umaga.
Sinabi ni Paynor, tiyak na mahihirapan ang lahat sa aspeto ng komunikasyon kaya’t hindi na nila ito isinama sa kanilang preparasyon.
Magugunitang inulan ng kaliwa’t kanang batikos ang gobyerno ng Pilipinas nang ipatupad ang signal jamming nang bumisita sa bansa si Pope Francis.
Katuwiran noon ng gobyerno, ginawa iyon para tiyaking ligtas na makapaglalakbay saan mang panig ng kamaynilaan ang Santo Papa at mailayo sa banta ng mga terorista.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)