Nagbago ng daan ang Tropical Depression Carina habang kumikilos ito papalapit sa Batanes.
Batay sa 11 p.m. severe weather bulletin ng PAGASA nitong Lunes, tinatayang kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran patungong Luzon Strait, malapit sa Babuyan Islands at Batanes.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands, at hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan sa mga bayan ng Santa Ana at Gonzaga.
Ayon sa PAGASA, nananatili ang posibilidad ng pagtama sa kalupaan ng Bagyong Carina sa bahagi ng Batanes.
Posible namang makaranas ngayon hanggang sa Martes ng hapon ng kalat-kalat na katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan ang mga lugar sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Region, Apayao at Abra.
Magdadala naman ang naturang bagyo ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan na minsa’y malakas na pag-ulan sa nalalabing bahagi ng hilagang Luzon.
Samantala, batay din sa pagtaya ng PAGASA, posibleng humina ang bagyo at magiging isang Low Pressure na lamang sa darating na Miyerkules.