Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA sa bahagi ng kanluran ng pangasinan.
Pinangalanang “Ferdie” ang ika-anim na bagyo sa bansa.
Batay sa 5AM Severe Weather Bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Ferdie sa 210 kilometro kanluran, hilagang-kanluran ng Sinait, Ilocos Sur, o 210 kilometro kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometers per hour (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 km/h.
Kumikilos ito pa-hilaga sa bilis na 20 km/h.
Sa pagtaya ng PAGASA, kikilos ang Bagyong Ferdie pa-hilaga sa bahagi ng West Philippine Sea at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa kanlurang bahagi ng Ilocos Norte (Badoc, Pinili, Currimao, Batac City, Paoay, San Nicolas, Laoag City, Pasuquin, Bacarra, Burgos), at kanlurang bahagi ng Ilocos Sur (Magsingal, Santo Domingo, San Ildefonso, San Vicente, San Juan, Cabugao, Sinait, Santa Catalina).
Samantala, patuloy namang magpapaulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon.
Makararanas ng mga pag-ulang dala ng Habagat at ng Bagyong Ferdie ang mga lugar ng Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, at panaka-nakang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, at Central Luzon.