Bahagyang bumagal ang Bagyong Ramon habang patuloy na kumikilos pakanluran-hilagang kanluran.
Batay sa weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang sentro ng bagyong ramon sa layong 205 kilometro silangan hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay pa rin nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 75 km/h (kilometro kada oras) at pagbugso ng hanging umaabot sa 90 km/h.
Kumikilos ito sa bilis na 10 km/h at inaasahang magla-landfall sa hilagang bahagi ng Cagayan gabi ng Lunes, Nobyembre 18 o umaga ng Martes, Nobyembre 19.
Kasunod nito, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa apat (4) na lalawigan kabilang ang Cagayan (kasama ang Babuyan Island), hilagang bahagi ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Tumauini, at Divilaacan), Apayao, at Kalinga.
Habang Signal No. 1 naman sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Ifugao, Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, at Dinalungan) kasama ang nalalabing bahagi ng Isabela.
Kaugnay nito asahan na ang mahihina hanggang sa katamtaman na may panaka-nakang malakas na pag-ulan sa mga lalawigang nasa ilalim ng Signal No. 2 at No. 1.
Samantala, binabantayan din ng Pagasa ang isang pang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 1,920 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Inaasahang papasok ito ng bansa Martes, Nobyembre 19, at may posibilidad ding maging ganap na bagyo.