Itinaas na ang signal number one sa Batanes Group of Islands dahil sa bagyong Hanna.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 995 kilometro, silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 210 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo ng pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Palalakasin naman ng bagyo ang habagat na posibleng magdala ng pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Mindoro, Marinduque, at Romblon simula bukas ng gabi.
Sa panayam ng programang “Ratsada” ng DWIZ kay Elger Cordova, Training Specialist ng Office of Civil Defense Region 2, sinabi nito na maaliwalas pa naman ang panahon sa Batanes.
Gayunman, sinabi ni Cordova na kumikilos na rin sila para mapag-aralan ang galaw ng nasabing bagyo.
“Nagkakaroon po kami ngayon ng tinatawag nating pre-disaster risk assessment, pag-aaralan po ng council kung anong lakas po nito, anong panganib na dala nito at ano ‘yung mga existing resources, at ano ang mga nababagay na actions na puwede naming gawin para po dito kay typhoon Hanna.” Pahayag ni Cordova.
Handa na
Nakahanda na ang ilang lugar sa bansa sa posibleng epekto ng bagyong Hanna na sinasabing pinakamalakas na bagyo ngayong taon.
Binabantayan ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng lalawigan ng Isabela ang mga coastal town ng Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapigue.
Naka-preposition na din ang mga relief goods at mga gamit na pang-rescue.
Samantala, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato na handa silang rumesponde sa posibleng pananalasa sa bansa ng bagyong Hanna.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita