Itinaas na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang public storm warning signal number 1 sa kalakhang Maynila bagama’t inaasahang mamayang tanghali pa mararamdaman ang mga pag-ulang dala ng bagyong Nona.
Sa pinakahuling tala ng PAGASA, lumakas pa ngunit bumagal ang bagyong Nona habang nagbabanta ito sa mga lalawigan ng Samar at Sorsogon.
Huli itong namataan sa layong 205 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 185 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bag pa-kanluran sa bilis na 7 kilometro bawat oras.
Dahil dito, nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang tatlo sa mga lalawigan ng Catanduanes, Sorsogon, Albay, Ticao Island, Northern Samar, Eastern Samar, Samar Province at Biliran.
Signal number 2 naman ang nakataas sa mga lalawigan ng Masbate kabilang na ang Burias Island, Camarines Norte, Camarines Sur, Marinduque, Romblon, southern Quezon at Leyte.
Habang signal number 1 naman ang nakataas sa Metro Manila gayundin ang mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro kabilang na ang Lubang Island, Batangas, Cavite, Laguna, nalalabing bahagi ng Quezon kabilang na ang Polilio Island.
Gayundin ang southern Leyte, northern Cebu kabilang na ang Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, northern Negros Occidental, Dinagat at Siargao Island.
Ibinabala naman ni PAGASA Weather Forecaster Obet Badrina ang banta ng storm surge o daluyong sa mga lugar na nasa ilalim ng storm warning signal.
By Jaymark Dagala