May kapupulutang magandang pakinabang ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na ginanap sa Pilipinas.
Tulad na lamang sa nangyaring APEC CEO Summit kung saan nagpalitan ng mga kuro-kuro patungkol sa isyu ng “Climate Change” sa pagnenegosyo sina US President Barrack Obama, Alibaba CEO Jack Ma at ang kapwa nating Pilipinong si Aisa Mijeno na isang Engineer at Greenpeace Volunteer.
Sa talakayan, naging APEC Star si Mijeno, matapos niyang ibida ang kanilang nilikhang Sustainable Alternative Lighting o SALT, isang lampara na ang gamit ay tubig-alat lamang.
Ang SALT umano ang magiging sagot sa kawalan ng liwanag sa mga lugar na di abot ng kuryente tulad sa mga naninirahan sa kabundukan ng Kalinga sa Luzon.
Matagal na raw nababalot sa dilim ang ilan nating mga kababayan kaya ang madalas nilang gamit doon ay lamparang de gaas o kerosene.
Ngunit malubha ito sa kalusugan at sa kapaligiran, dahil nagbubuga ito ng maitim na usok na maaring sanhi ng polusyon at kalaunan ay maging sanhi ng pagbago n gating klima o “climate change”.
Kaya naman, naisip ito ng grupo ni Mijeno upang makatulong sa pagpapalaganap ng environment friendly na imbensyon.
Mantakin niyo, tubig-alat lamang ay magkakaroon nan g kuryente at ilaw ang isang pamayanan.
Sa halagang 20 dollars mabibili ang naturang lampara.
At hindi lamang iyan, may pagkakataon pang makapagkarga ng kuryente o “charge” sa kanilang cellphone dahil meron itong USB slot.
Ngunit ang tanong, paano mapalalago ni Mijeno ang kanyang imbensyon, lalo’t malaking halaga o pondo ang kailanganin upang ito ay maisakatuparan?
Kaya naman, ang tugon ni Jack Ma, ay huwag umasa sa gobyerno, bagkus ay humanap ng paraan sa sariling sikap.
Nakasisiguro ako na may probadong komapniya o indibidwal ang susuporta dito sa imbensiyon ni Mijeno.
Likas na malikhain at magaling sa imbensiyon ang Pilipino, yun nga lang, madalas ay nababasura o hindi ito naitutuloy dahil sa kulang ang suporta ng gobyerno.
Umaasa tayo, na sa APEC na ito, ang isang Aisa Mijeno ay magiging Jack Ma ng China, na hindi lang hahangaan, kundi maging inspirasyon ng bawat mga Pilipinong imbentor.