Nabunyag na sikreto nang nagpupulong ang peace panels ng pamahalaan at NDFP o National Democratic Front of the Philippines mula pa noong Pebrero.
Ayon kay NDFP Chairman Fidel Agcaoili, kabilang sa mga pinag-uusapan at pag-uusapan sa mga susunod pang pag-uusap ang tungkol sa JASIG o Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees, Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms at Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reform.
Sinabi ni Agcaoili na inaprubahan na rin ng NDFP ang pagpapalaya sa mga prisoners of war o mga binihag ng NPA.
Dapat anya ay nakalaya na ang mga ito noon pang Marso 2 subalit hindi pa naisasaayos ang seguridad para sa maayos na turnover ng mga bihag sa third party peace facilitators, mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross.
Ipinaliwanag ni Agcaoili na ang sikretong pag-uusap ay bilang paghahanda sa pagpapatuloy sana ng peace talks sa Abril.
Mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagkumpirma sa back channel negotiations ng pamahalaan sa NDFP, matapos nitong kanselahin ang peace talks noong Enero matapos na mapatay ng mga NPA ang ilang sundalo.
Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nasa Europe ngayon si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, kasama ang communist leaders na sina Benito at Wilma Tiamzon at Vic Ladlad para sa back channel negotiations.
Matatandaan na sumiklab muli ang galit sa NPA matapos nilang atakihin at mapatay ang apat na pulis sa Bansalan Davao del Sur.
By Len Aguirre