Nagsimula na ang mahigit isang linggong silent protest ng mga grupo ng TNVS o transport network vehicle services operators kahapon at tatagal hanggang Pebrero 3.
Ang protesta ay bilang pakikiisa sa mga TNVS drivers na posibleng maapektuhan at mawalan ng hanap buhay matapos lagyan ng limitasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kanilang mga ibibigay na prangkisa.
Bahagi ng nasabing protesta ang pag-o-offline ng mga TNVS operators at drivers sa loob ng walong minuto tuwing alas-8:00 ng umaga.
Ayon sa transport network company na Grab Philippines, kanilang kinalulungkot at bahagyang ikinadidismaya ang bagong polisiya ng LTFRB dahil hindi lamang anila mga drivers ang maaapektuhan kundi maging ang mga mananakay.
Matatandang nagbukas na ng aplikasyon ang LTFRB para sa ng TNVS pero nilimitahan na lamang ito sa 45,000 slots.
Sa kasalukuyan ay meron na lamang mahigit na 31,000 prangkisa ang paghahatian ng Uber at Grab matapos na mapunan na ang halos 14,000 slots.
—-