Isang hearing na lang ang dapat gawin sa Sim Card Registration Bill.
Ito, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang imumungkahi sa Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
Ipinunto ni Zubiri na malawak at malalim na ang kanilang naging pagtalakay sa naturang Bill sa nakalipas na 18th Congress kaya’t hindi na kailangang magsagawa pa ng mga pagdinig.
Ngayong marami na anyang mga Senador at mga mamamayan ang biktima ng spam messages at scammer, mahalagang maipasa agad ang panukalang batas na naglalayong irehistro lahat ng simcard.
Nakasaad din sa nasabing bill na lahat ng bibili ng simcard ay kailangang magpresenta ng dalawang I.D. na inisyu ng gobyerno.
Sa ganitong paraan, sinumang magpadala ng text scam ay maaaring ipadala ang numero sa National Telecommunication Commission upang ireport at madali ring matutukoy kung sino ang may-ari ng simcard na ginagamit sa scam.
Sa halip na ngayong araw ay bukas itinakda ang pagdinig ng Public Services Committee sa simcard registration at iba pang panukalang batas na naglalayong maprotektahan ang publiko laban sa mga scammer.