Umaasa ang Department of Information Communication Technology o DICT na maipatutupad na rin ngayong taon ang pagpaparehistro ng sim cards.
Ayon kay DICT Officer in Charge Eliseo Rio, tanging sa Pilipinas na lamang hindi naipatutupad ang pagpaparehistro ng sim cards.
Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang subscriber identity module o Sim Card Registration Act.
Sinabi ni Rio na kapag naging ganap na batas ang panukala, hindi na puwedeng magamit ang mga sim cards kung hindi ito nakarehistro.
“’Yung registration ng mga sim card na hindi ka puwedeng magkaroon ng sim kung hindi mo ito na-register, syempre kung wala kang sim card ay hindi mo magagamit ang cellphone mo, tayo na lang ata ang bansa ngayon ang hindi pa nagpapa-register ng mga sim card. Ang NTC sila ang regulatory body, sila ang magmo-monitor, sila ang mag-iimplement nito.” Pahayag ni Rio
Sa botong 167-6, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 7233 upang matunton ang mga indibiduwal na gumagamit ng mobile phones para sa kanilang iligal na aktibidad.
Sa ilalim ng panulaka, ang public telecommunication entities o mga nasa telecommunications service o direct seller ay inaatasang humingi ng identification na may larawan ng bibili ng sim card.
Dapat ding sumulat ang sim card end-user sa controlled-number registration form.
Inaatasan din ang mga direct seller na i-rehistro sa sim card registration form ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian at address ng sim card user.
(Ratsada Balita Interview)