Iginiit ni Interior Sec. Jonvic Remulla na hindi epektibo ang Sim Card Registration Act, sa harap ng pamamayagpag ng pogo at iba pang scamming activities sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang diin ng kalihim na ang problema rito, ay hindi naka-link o integrated ang national ID system sa mga telecommunication companies, kaya’t naglipana ang scammers.
Paliwanag pa ni Sec. Remulla, walang national id na naka-attached sa sim card registration.
Nangangahulugan ito na sa bawat isang tao, maaaring magkaroon nang kahit hanggang isandaang sim card, na pwedeng gamitin sa panloloko.
Matatandaang noong 2022 nang ganap na maisabatas ang sim registration o ang republic act 11934, na pangunahing layunin ay mapigilan at tuluyang masawata ang mga krimen gamit ang cellphone sa pamamagitan ng text o online. – Mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)