Tinutukan sa pagdinig sa Senado ang patuloy na paglaganap ng text scams.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa pamumuno ni Senator Grace Poe ang mga kinatawan mula sa DICT, NPC, NTC, DOJ, NBI, PNP, GLOBE, SMART/PLDT, DITO, CONVERGE, GCash, DTI, at BSP.
Paliwanag ng NPC, tinatapos pa nila ang imbestigasyon sa text scams katuwang ang NBI at PNP.
Sa ngayon, ayon sa ahensya, wala pa silang nakikitang insidente ng breaching.
Kasabay nito, inihirit ni Sen. Nancy Binay sa NPC na agad tapusin ang kanilang imbestigasyon.
Sa pagdinig, sinabi rin ni DICT Secretary Ivan John Uy na may nilagdaan silang memorandum of understanding o MOU kasama ang Singaporean ICT Ministry para sa pagbabahagi ng kaalaman sa kung paanong mapagbubuti pa ang digital response sa mga cyber-related issues.
Parehong naniniwala ang NBI at PNP na dapat magkaroon na ng SIM registration law para matukoy ang pinagmumulan ng mga text scams.
Sinasabing malaki ang maitutulong ng batas upang makasuhan ang mga nasa likod nito.
Samantala, inirekomenda ng NTC na gayahin ang approach ng International Telecommunication Union (ITU) sa pagtugon sa mga text scams.
Napag-alaman na kasama rito ang pagsasagawa ng malawakang public information drive; paggamit ng blocking software/app upang masala ang mga unwanted messages mula sa hindi tukoy na source; pagkakaroon ng SIM registration law; paghikayat sa publiko na sundin ang payo ng gobyerno kapag nakatatanggap sila ng unwanted messages; palagiang i-upgrade ang kanilang OS o operating systems para makaiwas sa malware at virus attacks.
Hinimok din ni Poe ang NTC at mga telco na ipagpatuloy ang kanilang information drive at palakasin pa ang pagsasagawa ng text blasts na nagbibigay paalala sa publiko laban sa lahat ng uri ng panloloko o scams.
Bukod dito, nagkaisa ang mga partido na dumalo sa pagdinig na suportahan ang SIM registration law.
Dumalo rin sa pagdinig sina Senators Joel Villanueva, JV Ejercito at Jinggoy Estrada.