Nakapagtala ang Globe ng record high na bilang ng mga sim na ginagamit sa mga katiwalian sa nakalipas na siyam na buwan ng 2023.
Batay sa Stop Scam Reporting Portal ng Globe, nasa kabuuang 154,569 sims ang na block na nang nangungunang telco sa bansa mula Enero hanggang Setyembre.
Kabilang dito ang nasa halos 150,000 sim mula sa ibang network at mahigit 6,000 Globe sim kumpara sa halos 36,000 blacklisted at deactivated sim sa unang siyam na buwan nuong 2022.
Ang mga blacklisted sim na kinabibilangan ng mga mula sa ibang network ay sumipa sa 148,515 hanggang sa katapusan nitong Setyembre o pagsirit pa ng mahigit 668% mula sa kaparehong panahon nuong isang taon na nasa mahigit 19,000.
Samantala, bumaba naman ang bilang ng Globe sim na deactivated o nasa halos 63% matapos maitala ang 6,054 na lamang mula sa tatlong quarter ng taong ito kumpara sa mahigit 16,000 sa kaparehong panahon nuong 2022.
Binigyang-diin ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe na mas marami silang na block na sim na ginagamit sa mga anomalya dahil sa paggamit ng mga teknolohiya tulad ng stop spam portal na pinalakas pa ng Sim Registration Law.
Sa katunayan ay ipinabatid ni Bonifacio ang paggastos ng Globe ng 20 million US Dollars para sa security operations center nito na mahigpit na nakatutok sa mga unwanted messages kabilang ang app to person at person to person SMS mula sa international at domestic sources.