Inanunsiyo ng isang telco na mas pinadali pa nito ang SIM registration para sa mga prepaid WiFi users.
Kasabay nito, hinihikayat ng Globe ang mga kustomer na magrehistro bago ang deadline sa Abril 26.
Batay sa SIM Registration Act, kinakailangang i-rehistro ng lahat ng SIM users ang kanilang mga SIM, kabilang ang mga SIM na gamit sa Home Prepaid WiFi ng Globe.
“Tinatawagan namin ang Globe at Home Prepaid WiFi subscribers na i-register ang kanilang mga SIM upang hindi ma-deactivate ang mga ito at patuloy ma-enjoy ang iba’t ibang promos at rewards na hatid ng Globe at Home,” sabi ni Raymond Policarpio, VP for Brand Marketing ng Broadband Business ng Globe.
Sinasabing sa loob lamang ng limang hakbang, mairerehistro na ang Home Prepaid WiFi SIM.
Mangyaring i-download ang GlobeOne app at gumawa ng account gamit ang mobile number; mag-connect sa Home Prepaid WiFi at i-enrol ito gamit ang number na makikita sa modem box bago i-click ang “Register Your SIM Now”; ibigay ang mga impormasyon na kailangan at i-upload ang isang valid government ID at selfie na kasama ang naturang ID; i-key in ang one-time password na ipinadala sa inilagay na mobile number; at hintayin lamang ang confirmation at tandaan ang registration reference code.
Samantala, para masiguro ang mabilis at tuloy-tuloy na pagrerehistro, dapat siguraduhin na alam ang mga impormasyon at nakahanda ang mga dokumentong kailangan tulad ng buong pangalan; araw ng kapanganakan; kasarian; tirahan; uri ng government ID na ginamit; ID Number; at valid government ID na may larawan.
Bukod dito, kailangan ding patunayan na tama at totoo ang lahat ng impormasyon na ibinigay dito.
Hindi maitatanggi na isa ang SIM Registration Act sa mga nakikitang paraan ng pamahalaan para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga insidente ng scam gamit ang iba’t ibang SIM.
Maaari ring i-rehistro na ang Home Prepaid WiFi SIM gamit sa GlobeOne app at website ng telco para hindi ma-deactivate ang iyong SIM at para sa mas ligtas at secure na digital marketplace para sa lahat.