Nangangamba ang Simbahang Katolika sa mga taong sinamantala at ginagawang negosyo na ang pagpapa-pako sa Krus tuwing Semana Santa.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na may ilang lugar siyang nadiskubre kung saan ginagamit ang pagpapako ng ilang namamanata sa kanilang pansariling interes.
“Ang problema ngayon dumadami, at kung minsan mayroon pang parang negosyo. May isang lugar na maraming nagpapa pako at may mga nagtitinda ng kung anu-ano sa paligid, at sa iba naman bago ka pumunta sa lugar na may nagpapa-pako ay may ticket pa. Sorry po, talagang nagaganap ito sa tao, siguro sa kahirapan ng buhay, kahit papano ay tinataguyod nila kahit mali ang ginagawa nila.” Paliwanag ni Cruz
Samantala, hindi hinihikayat ni Cruz ang sinuman na magpa-pako pa sa krus dahil si Kristo na aniya ang gumawa nito para sa mga namamanatang Katoliko.
“Sa Pampanga, mayroong mga nagpapa pako sa Krus, 3 sila at kilala ko yung mismong nasa gitna dahil sya ang gumaganap na Kristo pagkat ayun daw ang panata nya. Ang sabi ko, hindi na yun kailangan, dahil ginawa na yun ni Kristo sa atin para tayo ay maligtas. Kaya yung ginagawa nila ay hindi na kailangan.”
At sa halip, ang pagiging malapit aniya sa Diyos at ang paglilingkod sa kapwa ang paraan upang makapagtika ngayong Semana Santa.
“Itong Semana Santa ay taon taon dumadating sa atin bilang paalala na bumalik tayo sa Dyos. Baka nakakalimot tayo na itong Semana Santa ay dapat magbigay ng tamang isip na bumalik tayo sa Panginoon sa paggawa ng mabuti” ani Cruz.
By: Allan Francisco