Nilinaw ng pamunuan ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi nakikipag bangayan ang simbahan sa pamahalaan.
Sinabi ni Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa ng DWIZ, na kung may mga pahayag man ang simbahan na kaugnay sa Malakanyang, hindi ibig sabihin na nakikipag away na ito sa pamahalaan.
Ayon kay Secillano handa naman ang simbahan na makipag usap kung sakaling magkaroon ng summit sa pagitan nila ng pamahalaan dahil anya ang tanging layunin ng simbahan ay kung ano ang makakabuti sa lahat.
Ang summit sa pagitan ng simbahan at pamahalaan ay iminungkahi ni Quezon City Representative Winnie Castelo upang magka-usap ang dalawang panig patungkol sa mga hindi pagkaka-intindihan nito.
“Hindi naman din yan aatrasan ng simbahan, palagay ko, dahil ang objective naman ng simbahan ay kung anong makabubuti sa lahat, so palagay ko naman, kung ito’y matutuloy, ang simbahan naman ay handa siguro para makipag usap, para makipag dayalogo, para ayusin kung ano man ang gusot na namamagitan o hindi pagkakaintindihan between the church and the government”
Sinabi rin ni Secillano na hindi lang dapat ang simbahan ang tumutol sa patayan, dapat pati na rin ang mamamayan dahil walang sino man umano ang may gustong mangyari ito.
Sa mga nag daang pagtitipon ng mga obispo ay hindi umano ito nag dwelo patungkol sa mga naging patutsada ng Pangulong Rodrigo Duterte sa simbahan.
Aniya, huwag na raw bigyan-pansin ng publiko ang mga patutsada ng Pangulo bagkus pagtuunan na lang ang mga mahahalagang isyu sa bansa.
Ipinunto rin anya na ang dapat pag-usapan kung sakaling magkaroon ng summit ang dalawang panig ay ang mekanismo na kung saan direktang mapapag-usapan ng simbahan at pamahalaan ang mga mahahalagang isyu sa bansa at dito rin umano malalaman ang pagkakaiba ng kani-kaniyang opinyon.
“Ano yung mechanism? Kinakailangan ba naming dumiretso kaagad sa media? O meron na kaming halimbawa pwedeng kausapin sainyo, diresto na sainyo, diba? Mas malinaw, diretsahan na tayo, tayo na agad mag usap”
Binanggit rin ni Secillano na mananatiling supportive ang simabahan sa mga intensyon ng pamahalaan tulad ng wakasan ang iligal na droga at kriminalidad, nagkakaiba lang umano ang dalawang panig sa stratihiya.
Samantala, aniya, matagal nang inumpisahan ang cleansing sa loob ng simbahan at patuloy itong isinasagawa.
Hindi rin aniya nila tinatago ang mga nagkakasala sa simbahan bagkus kanilang kinikilala ang mga ito at ginagawan ng paraan.
By Race Perez
Credits to Balita Na Serbisyo Pa program of DWIZ mapapakingggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido