Binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Simbahang Katolika sa patuloy na pamumuna sa kanyang kampanya kontra iligal na droga at ang umano’y nagaganap na EJK o extrajudicial killings sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na hindi niya maintindihan ang Simbahan dahil batid naman ng mga ito kung gaano kalala ang problema sa iligal na droga sa bansa, pero nakatuon ang mga ito sa pagbanat sa kanya sa isyung EJK.
Dagdag pa ng Pangulo, dapat mag-shabu ang ibang pari para maintindihan nila ang ginagawa ng mga durog sa ipinagbabawal na gamot.
May pahabol pang pahayag ang Presidente na sa kanila ay walang shabu pero asawa meron, kagaya niya na tig-dalawa pa kaya’t huwag aniyang maging ipokrito ang mga ito.
By Meann Tanbio
Samantala, sa panayam ng DWIZ kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz sinabi nitong masyadong mababaw at wala sa lugar ang mga naging pahayag ng Pangulo.
“Ang simbahan hindi bobo yan alam nitong maraming nalululong sa droga, ang problema is maraming napapatay, please lang.”
Nanindigan ang arzobispo na walang sinuman ang may karapatan na kumitil ng buhay ng tao at lahat aniya ay dapat bigyan ng due process of law.
“Ang Presidente, ang gobyerno hindi naman nagbigay ng buhay ni isa, bakit kukunin niyo? The right to life cannot be taken away without due process of law.” Pahayag ni Cruz
Aniya nauunawaan niya na maraming problema ang minana ng gobyerno ngayon mula sa nakalipas na administrasyon ngunit binigyan diin niya na sana’y magdahan-dahan naman sa pagresolba ng mga ito.
Sa huli, sinabi ni Cruz na patuloy na mangangaral ang Simbahan sa kung anong alam nila ay matuwid.
By Aiza Rendon | Credit to: RatsadaBalita (Interview)