Dapat bawasan ang pagkahilig sa mga bagay-bagay na kinagawian, tulad ng pagbababad sa internet, social media at mga gadget, gaya ng cellphone.
Ito ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya, partikular sa mga kabataan, ngayong kuwaresma.
Ayon kay CBCP – Social Communications Ministry Chairman, Bishop Marcelino Antonio Maralit, ang pagwaksi sa paggamit ng internet ay isang paraan para makamit ang tunay na kahulugan at diwa ng semana santa, lalo na ang maisagawa ang sakripisyo at pagsisisi.
Batid naman anya ng simbahang katolika ang kahalagahan ng impormasyon lalo na sa mga kabataan, pero ang tunay na pagninilay ay makakamit kung ang isang tao ay nakatuon sa panginoon.
Ang nasabing panawagan ay alinsunod sa pahayag ni Pope Francis na ang teknolohiya ay nakahahati, lalo na sa isang lipunan kung saan ang labis na impormasyon na kumakalat sa social media ay kadalasang hindi makatotohanan.
Batay sa pag-aaral noong Pebrero 2021 ng We are Social at Hootsuite, umabot sa apat na oras at 15 minuto ang ginugugol ng mga Pilipino sa social media bawat araw noong 2021, mula sa tatlong oras at 53 minuto, noong 2020.