Tiniyak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na tuloy ang simbang gabi sa Disyembre.
Ito’y sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19.
Ayon kay CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, hindi mapuputok ang tradisyong ito ng mga Pinoy at mayroon pa ring simbang gabi sa Disyembre 16.
Gayunman sinabi ni Fr. Secillano na hindi ito magiging gaya ng dati dahil isang malaking hamon aniya ang pagiingat ng mga mananampalataya sa nakahahawang sakit.
Ani Secillano, magkakaroon ng adjustment o pagbabago sa oras at pag-accommodate ng mga mass-goers dahil 30% lamang ang pinapayagang operating capactiy sa mga religious gathering para sa mga simbahan na nasa general community quarantine.
Obligado naman umano ang mga opisyal ng simbahan na pumasok sa itinakdang oras at maiwasan ang pagiging late dahil sa inaasahang pagkakaroon ng mas maraming misa.
Ipinabatid din ni Secillano ang pagkakaroon ng livestream sa social media ng simbang gabi para sa mga hindi makalabas ng kanilang tahanan.