Hindi napigilang magpahayag ng pagkadismaya’t pagkalungkot ang mga magulang ni Kian Loyd Delos Santos, ang 17-anyos na binatilyong napatay sa ikinasang ‘one – time big – time’ police operation ng PNP o Philippine National Police sa Caloocan City.
Sa panayam ng programang ‘Global Pinoy’ ng DWIZ, humingi ng tulong ang ama ni Kian na si Ginoong Saldy Delos Santos para sa hustisya ng pagkamatay ng kanyang anak.
Nagpasalamat din si Ginoong Saldy sa mga nakikiramay at nakikisimpatya sa kanila.
Aniya, marami ang nakikiramay sa kanila dahil alam nitong mabait at may takot sa Diyos ang kanyang anak.
Ang hinihiling ko lang po ay sana tulungan niyo ho ang anak ko, nakita niyo naman ang pangyayari sa anak ko.
Pinag-aaral ko po, mabuting bata, walang kamuwang-muwang, hindi nga po marunong mag-mura, panay ‘po’ yan, magalang po ang anak ko, may takot sa Diyos.
Sa huli, hiling ni Ginoong Saldy na sana ay hindi mangyari sa mga anak ng taong pumatay sa kanyang anak ang naturang nakakalungkot na pangyayari.
Magulang din ho kayo, sana po tulungan niyo kasi simple lang pangarap ng anak ko maging pulis tapos pinatay siya ng pulis.
Diyos na ang bahala sa’yo may mga anak ka rin.
Sana huwag mangyari sa buong pamilya niyo ‘yung ginawa mo sa anak ko.
Samantala, pumayag naman ang ama ni Kian na magsagawa ng hiwalay na otopsiya at imbestigasyon ang CHR o Commission on Human Rights.
Agad naman itong tinugunan ng ahensya sa pamamagitan ni Commissioner Gwen Pimentel – Gana.