Nagsagawa ng simulation para sa 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan elections ang Comelec o Commission on Elections kaninang umaga.
Ginanap ang mga mock elections sa dalawang presinto sa Rosauro Almario Elementary school sa Tondo, Manila kaninang ala-siyete hanggang alas diyes ng umaga.
Lumahok dito ang aktuwal na botante mula sa dalawang barangay sa Tondo kung saan naglagay din ng express lane ang Comelec para sa mga senior citizens, persons with disability at mga buntis.
Dumalo rin sa nasabing simulation ang mga representante ng PPCRV at mga volunteers ng NAMFREL.
Ayon sa Comelec, layunin ng nasabing mock election ang tingnan ang mga posibleng problema at kalituhan na maranasan sa Mayo 14 lalo’t limang taon na ang nakalilipas mula nang huling magkaroon halalang pambarangay at SK noong 2013.
Samantala, una nang inanunsiyo ng Comelec ang extension sa paghahain ng mga Certificate of Candidacy ng mga nais kumandidato sa barangay at SK elections hanggang mamayang alas singko ng hapon.