Pinapapalitan ng grupong Samahang Industriyang Agrikultura (SINAG) ang pangalan ng Department of Agriculture (DA).
Ayon sa SINAG, makikipag-ugnayan sila sa kanilang mga kaalyado sa Kongreso para mapalitan ang pangalan ng DA sa Department of Importers, Retailers and Traders (DIRT) dahil sa pagkiling nito sa pag-angkat ng agricultural products.
Binigyang diin ng SINAG na lumala ang import policy para sa agricultural goods sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon habang nananatiling mataas ang presyo ng mga ito.
Bilyung-bilyong piso anito ang nalulugi sa gobyerno dahil sa mga tapyas sa taripa na isinusulong halos ng pare-parehong mga personalidad na sinisisi ang pagtaas ng presyo ng langis.
Una nang nag isyu ang Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 133 na nagtataas sa Minimum Access Volume (MAV) ng pork imports sa 254, 210 metric tons mula sa 54,210 metric tons.