Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa gobyerno na tanggalin ang 12% value-added tax at excise tax sa petrolyo para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng pagkain.
Ayon kay SINAG President Rosendo So, ang pagsususpinde sa parehong buwis ay magpapababa ng presyo ng gasolina ng hanggang pitong piso kada litro.
Idinagdag niya na ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay hindi lamang nakaapekto sa mga pananim, kundi pati na rin sa iba pang mga pangunahing pagkain tulad ng isda, baboy, at manok.
Matatandaang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na inaasahang maglalabas ang gobyerno sa loob ng buwan ng 500 milyong pisong halaga ng fuel subsidy para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makayanan ang pagtaas ng presyo ng langis. —sa panulat ni Airiam Sancho