Kinilala at binigyang pugay ng Philippine Military Academy (PMA) ang mga police officials na miyembro ng Sinagtala Class of 1986 kung saan, karamihan sa mga ito ay paparetiro na sa serbisyo.
Ito’y bilang pagkilala ng PMA sa kanilang mga alumni na nagbigay ng pinakamakulay na yugto sa police service matapos pamunuan ito ng tatlo mula sa nasabing klase partikular sina Sen. Ronald Bato Dela Rosa, Oscar Albayalde at ngayo’y ang paparetiro nang si P/Gen. Archie Gamboa sa Setyembre 2.
Ayon kay PMA Superintendent, Navy Vice Admiral Allan Ferdinand Cusi, dulot ng COVID-19 pandemic ay ipinagbabawal muna ngayon ang pagsasagawa ng testimonial parade sa Fort Del Pilar sa Baguio City kaya’t isinagawa nila ang pagkilala sa mga miyembro ng class 86 sa Kampo Crame.
Hinirang bilang ulirang alumnus ng akademiya si Gamboa dahil sa kaniyang natatanging pamumuno at dedikasyon na nagbigay ng karangalan sa kaniyang alma mater.
Tumanggap din ng dangal ng akademiya awards ang mga mistah ni Gamboa na sina PNP Deputy Chief for Administration P/Ltg. Camilo Cascolan na magreretiro sa Nobyembre 10; Directorate for Personnel and Records Management Chief P/Mgen. Reynaldo Biay na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 9.
Directorate for investigation and detective management Chief P/Mgen.Elmo Sarona na magreretiro sa Setyembre 10; P/Mgen. Amador Corpuz, ang hepe ng Directorate for human resource and doctrine development na magreretiro sa Oktubre 3.
Gayundin sina Directorate for research and development Chief P/Mgen. Timoteo Pacleb na magreretiro sa Setyembre 23; P/Mgen. Jose Maria Victor Ramos, dating hepe ng Directorate for comptrollership na magreretiro sa Nobyembre 25 at P/Mgen. Mariel Magaway, dating hepe ng Directorate for intellegence na magreretiro sa Oktubre 8.
Hindi nakadalo sina Ramos at Magaway dahil kasalukuyan pa silang nagpapagaling mula sa matinding pinsalang tinamo nila nang bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter kasama si Gamboa noong Marso sa San Pedro, Laguna.
Kabilang naman si Cascolan sa mga nominadong hahalili kay Gamboa bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng PNP kaya’t sakali mang maitalaga ay siya ang magiging ika-apat na miyembro ng klase na mauupo sa pinakamataas na posisyon sa PNP.