Nilabag umano ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold sinas ang COVID-19 health protocols na ipinatutupad sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Ito ang inihayag ng pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro matapos magpositibo sa COVID-19 ang PNP chief nuong Huwebes, ang araw kung kailan naman ito bumisita sa lugar.
Sa isang kalatas, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na hindi dumaan sa pier ang PNP chief kaya’t naka-iwas ito sa profiling ng kanilang mga health officers.
Dumating aniya ang pnp chief sa regional headquarters ng MIMAROPA PNP sa Calapan, Oriental Mindoro sakay ng helicopter.
Dahil dito, ikinalulungkot ng pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro ang nangyari subalit tiniyak nito na sinunod ng kanilang mga opisyal na nakasalamuha ni sinas ang minimum health protocols.