Binusalan ng Philippine National Police (PNP) si NCRPO chief Debold Sinas sa pagbibigay ng pahayag sa kanyang mga kinakaharap na kaso.
Kaugnay ito sa kasong kriminal at administratibo na nag-ugat sa mañanita na ibinigay kay Sinas ng kanyang mga tauhan na lumabag di umano sa quarantine rules.
Ayon kay Sinas, pinagbawalan na siyang magsalita hinggil dito dahil umaandar naman ang mga kaso.
Nakapagbigay na si Sinas ng kanyang paliwanag sa National Bureau of Investigation na inatasang magsagawa ng imbestigasyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Naisampa na ang kasong kriminal laban kay Sinas at 18 iba pa samantalang gumugulong na rin ang imbestigasyon sa kasong administratibo.
Una rito, isang mambabatas rin ang naghain ng resolusyon sa Kamara na nananawagan ng agarang pagsibak kay Sinas.
Una nang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na sya ang may kagustuhang wag tanggalin sa puwesto si Sinas.