Inireklamo sa social media ng isang netizen ang umano’y naranasang harrassment mula mismo kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Police Major General Debold Sinas.
Batay sa Facebook post ni Arles Delos Santos, nagpapahinga lamang sila nitong Sabado ng hapon sa kanilang tinutuluyang bahay sa bahagi ng Lawton Avenue, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City nang bigla na lamang dumating si Sinas bitbit ang isang batalyong tauhan nito.
Ayon kay Delos Santos, pilit umanong binabaklas ang gate ng kanilang tinutuluyang bahay ng grupo ni Sinas na tila nais silang palayasin sa lugar.
Ipinakita naman ni Delos Santos ang kanilang hawak na mga papeles kung saan, isa rito ay may pirma pa mismo ng heneral na nagsasabing wala umanong hawak na papeles ang Philippine National Poilice (PNP) para gumamit ng kanilang lupa.
Habang ang pamilya ni Delos Santos naman aniya ay kumpleto sa mga dokumento tulad ng titulo, ceritificate of occupancy, at special power of attorney mula mismo sa may-ari ng lupa.
Saad pa ni Delos Santos sa kaniyang post na ibinenta sa kanilang pamilya ang nasabing lupain kaya’t nagtataka sila kung bakit iginigiit umano ng grupo ni Sinas na pagmamay-ari iyon ng gobyerno.
Bahagya pang nagkaroon ng tensyon dahil pilit umanong inaagaw ng isang tauhan ni Sinas ang cellphone ni Delos Santos habang kumukuha ng video kaya’t labis na lamang silang nanlulumo dahil sa hindi magandang pagtrato na ibinigay sa kanila.