Kinuyog at hawak na ng mga militante ang dalawang kawani ng intelligence section ng Philippine National Police (PNP) na naka-civilian clothes, kaninang umaga.
Batay sa source ng DWIZ, binugbog ng mga raliyista ang mga umano’y civilian agents na kumukuha ng mga larawan at video ng mga nagpo-protesta.
Hindi pa naman matukoy ng PNP kung kanila ngang mga tauhan ang hawak ng mga militante, at kung ilan talaga ang mga ito.
Magsasampa ng kaso
Desidido ang Philippine National Police (PNP) na sampahan ng kaso mga raliyista na umatake sa 2 police intelligence officer bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay PNP Chief Director General ricarDo Marquez, inaayos na nila ang kasong isasampa sa ilang mga raliyista na nambugbog kina PO1 Reden Malagonio at Chief Inspector Antonio Ananayao Junior.
Depensa ni Marquez, talagang may mga police personnel silang inilalagay sa kasama ang crowd upang malaman ang nangyayari sa ground.
Nahuling kumukuha ng larawan ng mga raliyista ang 2 pulis kaya pinagtulungan itong bugbugin ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan.
Rally
Samantala, maagang pumuwesto sa Mendiola ang mga militanteng grupo na pinangunahan ng grupong, “Kilusan para sa Pambansang Demokrasya.”
Dala ng grupo ang isang pampasaherong jeep na mayroong dambuhalang larawan ng Pangulong Noynoy Aquino na mayroong napakahabang dila.
Iginiit ng grupo na bagamat ipinatupad ng Pangulo ang tuwid na daan, ito naman ay tuwid na daan para sa mga dayuhan at malalaking negosyante.
By Katrina Valle | Jonathan Andal | Aya Yupangco | Rianne Briones