Nagkaroon na ng sariling bahay ang ilan sa mga pamilyang umano’y itinago noon ng gobyerno nang bumisita si Pope Francis sa Pilipinas noong nakaraang Enero.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman, 75 sa mga pamilyang dinala noong Enero sa Batangas ang may sarili nang tahanan at nahanapan aniya ng tirahan ang mga ito sa unang quarter pa lamang ng taong ito.
Ipinabatid ni Soliman na mahigit 4,000 pamilya na ang rehistrado sa Modified CCT o Conditional Cash Transfer na sinimulan nila noon pang 2013.
Bukod dito, tinanggi rin ni Soliman ang kumakalat na balitang binibigyan ng P4,000 ang bawat pamilya dahil pambayad umano ito sa upa sa kanilang tinitirhan.
Nilinaw ni Soliman na hindi nila ibinibigay sa pamilya ang nasabing pera dahil diretsong binabayaran ng DSWD ang upa.
Kasabay nito, muling iginiit ni Soliman na dinala nila sa Batangas ang mga street dweller para maipaliwanag sa kanila ang CCT.
By Judith Larino