Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isang umano’y rebel commander at mister ni Andrea Rosal na anak ng yumaong si CPP-NPA Spokesman Gregorio “Ka Roger” Rosal.
Ayon kay Cavite Provincial Police Director Sr. Supt. Jonnel Estomo, si Diony Bore, alyas “Commander Bibiet” at “Ka Nene” ay nahuli sa Brgy. San Andres sa bayan ng Noveleta sa Cavite.
Nakuha mula kay Bore ang dalawang cell phone kung saan isa sa mga yunit ay mayroong larawan ng umano’y puntod ni “Ka Roger.”
Iginiit naman ni Cristina Palabay, Secretary General ng human rights organization na karapatan, na Billy Santiago ang tunay na pangalan ng mister ni Andrea Rosal.
Si Santiago na umano’y lider ng CPP-NPA sa southern Tagalog ay nahaharap sa mga kasong kidnapping at murder.
Karapatan, pumalag
Pumalag ang human rights group na karapatan sa pagkakaaresto ng mga pulis at sundalo sa umano’y mister ni Andrea Rosal na si Diony Bore o Billy Santiago.
Ayon kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, hindi pinapayagan ang kanilang quick reaction team na magkaroon ng access kay Santiago.
Itinanggi rin umano ng mga otoridad na nasa custody nila si Santiago gayung kinumpirma na nila ito sa media.
Sinasabing nasa interrogation process si Santiago sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP.
Nababahala si Palabay na baka pinagkakaitan ng karapatan si Santiago na magkaroon ng legal counsel o abogado.
By Jelbert Perdez