Pinangalanan na ni Angel Manalo, isa sa tatlong kapatid ni Iglesia ni Cristo Executive Minister Eduardo manalo na itiniwalag sa kapatiran, ang dalawang ministrong sangkot sa katiwalian.
Tinukoy ni Ka Angel sina Glicerio Santos Junior, Auditor ng Iglesia at Radek Cortez, isa sa mga miyembro ng Sanggunian na responsable umano sa pagka-ubos ng pondo ng INC.
Humihingi aniya ng karagdagang kontribusyon sina Santos at Cortez gayong hindi naman matustusan ng kapatiran at inilalagay din ng dalawang opisyal ang pera sa mga proyektong walang kaugnayan sa kanilang pananampalataya.
Aminado si Manalo na mareresolba lamang ang krisis kung kakausapin silang mag-iina ng kanilang kuya na si Ka Eddie.
Kaso vs isang itiniwalag na ministro
Samantala, sinampahan na ng kasong libel ng Iglesia ni Cristo ang isa nilang itiniwalag na ministro dahil sa mga akusasyon nitong sangkot ang INC sa iba’t ibang krimen tulad ng illegal detention at torture sa ilang miyembro.
Inihain ang kaso sa pamamagitan ng legal counsel ng INC na si Glicerio Santos IV sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Isaias Samson Jr., dating editor-in-chief ng Pasugo, ang official publication ng Iglesia.
Sa anim na pahinang complaint, iginiit ni Santos na mapanira ang mga pahayag ni Samson sa isang press conference noong July 23.
Wala anyang basehan at pawang kasinungalingan ang mga akusasyon ng itiniwalag na ministro laban sa liderato ng INC.
Sa kabila nito, hindi pa naira-raffle ang complaint sa prosecutor na magsasagawa ng imbestigasyon.
By Drew Nacino