Iniimbestigahan na rin ng US Embassy ang sindikato ng mga pekeng visa sa Pilipinas.
Ayon kay Atty. Daniel Daganzo, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) Interpol Division batay sa records ng US Embassy, nasa 50 na ang nakalusot sa Amerika dahil sa pekeng visa.
Ipinaliwanag ni Daganzo na hindi direkta ang ginagawang pamemeke ng visa kundi inilalagay lamang ito sa peke o kaya ay expired passport para dagdag puntos sa aplikante ng visa.
“Meron silang isa pang factor, yung passport visa ay expired passport na ‘yun tapos doon ilalagay yung Australian visa na peke syempre kapag nag-apply ka ng US visa din i-aatach mo din ‘yung old passport mo, yung iba naman yung old passport hindi din sa kanya, peke din yun depende sa availability ng passport, hindi naman natin masabing malaking sindikato yung office nila maliit lang naman din kaya lang syempre marami na din silang nabiktima kaya masasabi nating well- entrenched na din ang grupo na ito.” Ani Daganzo.
Nagbabala si Daganzo na hindi lamang ang mga miyembro ng sindikato ang puwedeng kasuhan ng paglabag sa Passport Act at Falsification of Public Documents kundi maging ang mga kumukuha sa kanilang serbisyo.
Una rito, naaresto sa raid ng NBI ang dalawa kataong miyembro ng sindikatong namemeke ng visa sa boundary ng Taguig at Pasig City.
Huli sina Vanessa Ganarillos at Ernani Evangelista makaraang tumanggap ito ng marked money mula sa mga undercover NBI agents na armado rin ng hidden camera.
Umaabot sa P100,000 kada pekeng visa ang napag-alamang sinisingil ng sindikato sa kanilang mga kliyente.
“Huwag na silang maniwala sa mga agency na peke na hindi kilala o walang pangalan, actually lahat ng embassy na nandito sa atin meron na silang website, puwede ka nang tumingin ng mga kailangan o requirements, minsan nga sa Australia, US o kaya ay sa British puwede ka nang mag-apply online.” Pahayag ni Daganzo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita