Pinaiimbestigahan ni Senator Alan Peter Cayetano sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang posibleng sindikato sa DPWH na sangkot sa pagre-align ng bilyung piso sa ilalim ng 2023 budget.
Bilang dating house speaker, ibinunyag ni Senator Cayetano na maraming nagsabi sa kanya na mayroong grupo sa DPWH na kumo-kontrol sa alokasyon ng mga proyekto sa iba’t-ibang congressional district.
Ang mas nakababahala anya ay ang posiblidad na may nangyayaring manipulasyon ng pondo bago pa isumite sa kongreso ang panukalang pambansang budget.
Iginiit ng senador na kung dati ang pag-park ng pondo ay nangyayari lang sa Bicameral Conference Committee at maliit na pera lang ang pinag-uusapan, ngayon ay bilyong piso na ang sangkot kaya tila naging pandemic na ang kurapasyon kung totoo ang report.
Ang sumbong anya kay Cayetano ay binabawasan ang budget ng mga distrito, pagkatapos ay kakausapin at sasabihin nila sa mga kongresista na pwede nilang ibalik ang pondo pero sila ang mamimili ng proyekto at kontratista nila ang gagawa nito.
Tinawag naman ito ng mambabatas na isang uri ng pang-ho-holdup.
Sa ilalim ng 2023 national budget, maraming distrito ang natapyasan ng pondo ng mula 21.41% hanggang 93.12%.
Dahil dito, nanawagan si Cayetano kay Finance Secretary Benjamin Diokno, bilang head ng DBCC, na imbestigahan at alamin ang katotohanan sa sinasabing sindikato sa DPWH. — Sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)