“Biggest wedding surprise ever.”
Ganito inilarawan ng Singaporean na si Kelly Chua ang pagdalo sa kasal ng kanyang Filipino nanny na si Lolita Tabaque.
Naging kasambahay ng pamilya ni Kelly si Nanay Lita nang mahigit 27 taon. Subalit tatlong taon bago ang kasal ni Kelly noong 2022, umuwi si Nanay Lita sa Pilipinas at hindi na nakabalik pa dahil sa umano’y hindi niya na-renew ang kanyang passport.
Buong buhay ni Kelly, si Nanay Lita ang nag-aalaga sa kanila ng kapatid niyang si Keith. Lubos na napamahal ang magkapatid sa kanilang nanny at sa katunayan, si Nanay Lita pa ang pinakaunang inimbita ni Kelly sa kanyang kasal.
Ngunit isang linggo bago maganap ang kasal, nakatanggap si Kelly ng malungkot na balita: hindi makakaalis ng Pilipinas si Nanay Lita.
Lingid sa kaalaman ng bride, kasabwat na pala ni Nanay Lita si Keith na tumulong sa kanyang lumipad patungong Singapore!
Nang dumating ang araw ng kasal, napahagulgol na lamang si Kelly nang makita ang kanyang pinakamamahal na yaya na naging saksi sa pinakamahalagang kabanata ng kanyang buhay.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi nawawalan ng komunikasyon ang pamilya ni Kelly kay Nanay Lita na itinuturing na nilang bahagi ng pamilya.
Sabi nga ng mga netizen, iba talaga mag-alaga ang mga Pilipinong domestic helper.