Bababa ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO) ngayong buwan.
Ayon sa MERALCO, P0.19 ang ibaba sa kada kilowatt hour dulot ito ng pagbaba ng generation charge at iba pa.
Dahil dito, mararamdaman ang P38 hanggang sa P95 na bawas sa mga kumukunsumo ng 200 hanggang 500 kilowatt hour kada buwan.
Samantala, pagtaas naman ng singil sa kuryente ang kakaharapin ng mga customer sa buwan ng Abril.
Ito ay matapos na aprubahan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang dagdag na bayarin para sa renewable sources of energy.
Mula sa P0.04 ay itataas ito sa P0.124 centavos kada kilowatt hour para sa mga solar, wind, hydro at iba pang malilinis na source.
Power supply
Tiniyak naman ng MERALCO na sapat ang suplay ng kuryente sa mga pinagseserbisyuhan nilang lugar pagsapit ng eleksyon.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, Communications Head ng MERALCO, mairaraos umano nang maayos ang halalan sa Mayo 9 hanggang sa buong panahon ng bilangan ng boto.
Bagaman kailangan aniya ng regular maintenance ang mga planta ng kuryente, hindi nagtakda ang mga ito ng maintenance work sa ikalawang quarter ng taon na siyang nakakasaklaw sa panahon ng halalan.
Dagdag ni Zaldarriaga, nag-schedule na ang ilang planta ng pagsasaayos sa ikatlong quarter o mula Hulyo hanggang Setyembre kung kailan tapos na ang eleksyon sa bansa.
By Rianne Briones | Drew Nacino