Bababa ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan bunsod ng pagmura ng presyo nito sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ito ang kinumpirma ni Joe Zaldarriaga, vice president for corporate communications at tagapagsalita ng Meralco sa ipinatawag nilang pulong balitaan kahapon.
Halos 15 sentimos ang ipatutupad na bawas singil o katumbas ng P29 na bawas sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour.
P43 naman para sa mga kumokonsumo ng 300 kilowatt per hour, P58 para sa 400 kilowatt per hour at P72 naman para sa 500 kilowatt per hour.
Gayunman, patuloy na hinihimok ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin pa rin ang pagtitipid sa pagkonsumo ng kuryente.
Pero babala ng Meralco, posibleng hindi magtagal ang nararanasang mababang presyo ng kuryente dahil nakaamba naman silang magtaas ng singil pagsapit ng Oktubre.
Ito’y ayon sa Meralco ay dahil sa nakaktakdang maintenance shutdown na ipatutupad sa sual at pagbilao power plant kaya’t mababawasan ang suplay ng kuryente sa Luzon grid ng 1000 megawatts.
Presyo ng langis at singil sa tubig nakatakdang tumaas
May nakaamba namang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kumpaniya ng langis sa susunod na linggo.
Ito’y ayon sa mga source ng DWIZ sa industriya ng langis ay dahil sa pagmahal ng presyo ng imported na gasolina, diesel at kerosene sa World Market.
Inaasahang ilalabas ng mga nasa industriya ng langis ang kanilang pagtaya hinggil sa kung magkano ang itataas sa presyo ng langis bukas o sa Linggo.
Samantala, may naka-amba ring pagtaas ng singil sa tubig ang mga water concessionaire matapos ang naging rekumendasyon ng mwss regulatory office sa buwan ng Oktubre.
Ayon sa mga source, P7.30 ang naka-umang na umento sa singil ng Manila Water habang P6.95 naman sa Maynilad.